News DetailsMORE NEWS

Tagalog news: P1.9M multi-purpose welfare center, itatayo sa Bahay Kalinga Center for GirlsJuly 25, 2012

By Carlo P. Gonzaga ANTIPOLO CITY, Rizal, Hulyo 4 (PIA) -- Isang ground breaking ceremony ang isinagawa noong June 19 para sa ipatatayong multi-purpose welfare center sa Bahay Kalinga Center for Girls sa Purok Imelda, Barangay Dela Paz. Pinangunahan ito ni Nadeia Sarte, officer-in-charge ng city social welfare and development office (CSWD) kasama si Engineer Rommel Daquiaog ng city engineering office (CEO). Ang gusali na nagkakahalaga ng P1,943,344.25 ay bahagi ng P52 milyon mula sa Performance Challenge Fund (PCF) ng Department of Interior and Local Government (DILG) na kalakip ng Gawad Pamana ng Lahi Award na nakuha ng lungsod. Sinabi ni Sarte na ang proyekto na makatutulong sa mga batang inaalagaan sa Bahay Kalinga ay isang magandang programa na ibinigay ng pamahalaang lunsod sa pangunguna ni Mayor Nilo Leyble. “Napakalaki ng magagawa ng programang ito at isang pangarap ng mga batang nakatira at titira dito sa Childrens Village na magkaroon ng isang multi-purpose center. Magagamit din natin ito bilang big kitchen pag dumarating ang disaster. Ito po ang layunin kung bakit pinilit ng ating mahal na Mayor Nilo na maitayo ang center na ito,” sabi ni Sarte. Dagdag pa niya, “Kami po ay lubos nagpapasalamat ganoon din sa ating Vice Mayor Susan Say at Sangguniang Panlungsod sa kanilang pagkakaisa na gumawa ng mga ordinansa na makakatulong sa ating mga kabataan at dito natin makikita na ang Lungsod ng Antipolo ay maging Child Friendly City.” Magiging main beneficiaries ng multi-purpose center ang 17 kababaihan na inaalagaan ng CSWD sa Gawad Kalinga Center for Girls. Bukod pa dito, nakatakdang dalhin dito ang mga batang kalye na narerekober sa kalsada. Sa ngayon ay mayroong walong batang lalaki at isang pamilya na may anim na anak at tatlong mentally ill na naka-in-house na rin dito. Ayon kay Maximina Dejan, focal person ng Bahay Kalinga, napakalaking tulong ng itatayong multi-purpose center lalo na ngayon at patuloy na dumadami ang kanilang mga inaalagaang bata. “Ang paggawa po ng multi-purpose center sa Bahay Kalinga ay nangangahulugan ng maayos na programa para sa mga batang dinadala at inaalagaan dito. Malaki pong expansion ito para sa kanila at maibibigay ang lahat ng social services. Kaya lubos po kaming nagpapasalamat sa ating mahal na Mayor Nilo Leyble,” sabi ni Dejan. (CPG, PIA4A at ulat mula sa PIO-Antipolo)

Comments








*



(Maximum characters: 100)
You have characters left.