News DetailsMORE NEWS

Tagalog News: Libu-libong magsasaka, negosyo nakikinabang sa inayos na daan, kanalJune 7, 2012

By Jose Mari Garcia 

BALANGA, Bataan, Hunyo 7 (PIA) -- Libu-libong mga magsasaka, negosyante at residente ng lungsod ang inaasahang makinabang sa inayos na farm-to-market road at mga kanal sa tatlong barangay mula sa P3 milyong pondong nakamit ng pamahalaang lungsod.

Tinanggap ng pamahalaang lungsod ng Balanga ang naturang pondo mula sa Performance Challenge Fund (PCF) nitong Nobyembre na ginamit upang tapusin ang mga proyekto ngayong taon.

Mas mabilis nang makapaghahatid ng produkto ang mga magpuprutas ng Brgy. Munting Batangas sa tulong ng sinimentong 510 metrong daan na natapos ngayong Enero gamit ang P5 milyon na pinaghatian ng PCF at pamahalaang lungsod.

Sinabi ni City engineer Miguel Sanchez na may pagkakataon nang paunlarin ng mga residente ang tinatayang 55 ektaryang lupa sa barangay dahil sa proyekto.

Aniya, patataasin ng farm-to-market road ang ani at kita ng mga magsasaka at makatutulong din sa “madaling pagbiyahe” ng mga trak na nangongolekta ng basura patungo sa Materials Recovery Facility sa Brgy. Munting Batangas.

“Makikinabang ang lahat ng residente ng Lungsod ng Balanga dahil nasa oras na ang pangongolekta ng basura bunsod ng maayos na kondisyon ng mga trak,” ani Sanchez.

Dagdag na kita rin ang magiging pakinabang ng may 20 negosyo sa Brgy. Poblacion dahil sa pagsemento at pagtakip sa 125-metrong kanal gamit ang pondong P300,000 mula sa PCF at P300,000 din mula sa pamahalaang lungsod.

Sa Brgy. Cupang West, 102 metro ng kanal din ang sinimento at tinakpan na pinondohan ng PCF at pamahalaang lungsod nang tig-P200,000.

Tinatayang 2,000 tao o 400 kabahayan sa Cupang West ang makikinabang sa proyekto gayundin ang Day Care Center, barangay hall at Barangay Health Center sa Brgy. Cupang North na malapit sa sinimentong kanal.
 

Comments








*



(Maximum characters: 100)
You have characters left.