GAGAMITIN ng bayan ng San Jose de Buenavista, ang kabisera ng Antique, ang P3-milyon insentibo mula sa Performance Challenge Fund (PCF) upang mapabuti ang programa ng solid waste management nito.

          Ipinagkaloob ang incentive fund sa San Jose de Buenavista sa pagkakapanalo nito sa 2016 Seal of Good Local Governance (SGLG) ng Department of Interior and Local Government (DILG).

          Sinabi ni San Jose de Buenavista Mayor Elmer Untaran noong Biyernes na sa kanilang pulong nitong Huwebes ay napagdesisyunan na ng mga konsehal ng bayan at mga namumuno sa mga departamento sa munisipyo na gamitin ang pondo para sa solid waste management.

          “Nasolusyunan na namin ang pagsisikip ng trapiko sa San Jose de Buenavista kaya nais naman naming pagtuunan ngayon ang problema sa basura,” saad ng alkalde.

          Dagdag pa niya, hinimok niya ang mga konsehal ng bayan na bisitahin ang Las Piñas City para matutuhan ang pinakamahusay na solid waste management na maaaring gayahin sa kanilang bayan.

          Sa ngayon, ginagamit ng San Jose de Buenavista ang “Brigada Banwa”, ang sama-samang pagsisikap ng lahat ng sektor ng lipunan para sa malinis na kapaligiran, tuwing huling linggo ng bawat buwan.

          Konsepto ni Senior Municipal Councilor Dante Beriong ang Brigada Banwa noong nakaraang taon, nang manguna ang San Jose Buenavista sa mga bayan ng Antique na may pinakamaraming kaso ng dengue.

          Ibinigay ni Interior and Local Government Secretary Ismael D. Sueno ang sertipikasyon ng San Jose de Buenavista para sa Seal of Good Local Governance noong Oktubre ng nakaraang taon, sa isang seremonya sa Quezon City. (PNA)

source: http://balita.net.ph/2017/01/31/matapos-resolbahin-ang-pagsisikip-ng-trapiko-problema-naman-sa-basura-ang-tututukan/